
MAY international franchise na ang longest-running noontime show on Philippine television na Eat Bulaga.
Kahapon ay pormal nang inilunsad ang Eat Bulaga Indonesia, ang international version ng 33-year-old TV show na pinoprodyus ng TAPE, Inc.
Naroon sa Jakarta ang big bosses ng TAPE na sina Mr. Tony Tuviera at Tita Malou Choa-Fagar para saksihan ang pilot episode ng Eat Bulaga Indonesia.
4:00 PM (5:00 PM, Manila time) ang airing nito roon sa Surya Sitra Televisi (SCTV), ang nangungunang istasyon sa Indonesia. Binili ng SCTV ang franchise ng Eat Bulaga para maipalabas sa nasabing bansa.
Matagal na naming alam na nakikipag-usap sina Mr. Tuviera at Tita Malou sa ilang Indonesians na nakipag-meet sa kanila rito sa Maynila, pero inilihim nila ito hanggang sa sigurado na at makapag-premiere na ang show.
Nitong Hunyo naisara ang naturang deal. Sabi ng isang executive ng SCTV, ilang taon na nilang gustong makipag-usap sa mga taga-Eat Bulaga dahil noon pa nila gustong kopyahin ang konsepto ng programa.
Ayon sa program director ng SCTV na si Harsiwi Achmad, bukod sa pagiging entertaining at educational, nais din ng Eat Bulaga Indonesia na magpalaganap ng positive values at mapaglapit ang kanilang mga kababayan sa pamamagitan ng programa.
Hangad din nila na maging matagumpay ito katulad ng original show na patuloy na tinatangkilik ng mga Pinoy, 33 years mula nang mag-umpisa ito sa telebisyon.
Ilang araw silang nagkaroon ng dry run bago ang pilot episode kahapon. Lahat ay plakado sa original content ng EB, mula logo, theme song, set at segments ng show.
Mapapanood sa EB Indonesia ang sarili nilang version ng ‘Juan For All, All For Juan’ (Satu Untuk Semua, Semua Untuk Satu), ‘Pambato ng Videoke’ (Karaoke Stud), ‘Bulagaan’ at ang sikat na sikat na ‘Pinoy Henyo’ (Indonesia Jenius).
Meron din silang parang Bossing Vic Sotto na ang pangalan ay Uya Kuya, na kung tawagin nila ay Boss Uya.
Ang iba pang Dabarkads (‘Bulagang’ ang tawag nila) ng EB Indonesia ay sina Aja Farid, Reza No, Ramzi, Narji, Ciripa, Rian Ibram, Rio Indrawan, Steven, Leo Consul, Selena Alexandria, Jenny Tan, Bianca Lizza at Julie Christie.
Ayon sa big boss ng TAPE, Inc. na si Mr. Tony Tuviera, maituturing na isang historical event ito hindi lamang para sa Eat Bulaga kundi para sa lahat ng Pinoy dahil isang milestone na maging isang international franchise ang iconic show.
Maihahanay na ito sa mga sikat na international TV franchise tulad ng American Idol, The X-Factor, Survivor, Amazing Race, Big Brother at iba pa.
Marami ring mga Pinoy sa Indonesia at inaasahang susuportahan din nila ang Eat Bulaga Indonesia.